Ikinalulungkot ng Simbahang Lingkod ng Bayan, ang sosyo-politikal na apostolado ng Kapisanan ni Hesus sa Pilipinas, ang desisyon ng Kongreso pabor sa pagtanggi sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sentral sa ating misyon bilang mga Katoliko ang pagbibigay ng priyoridad sa pinakamahihirap sa lipunan. Dahil sa desisyong ito ng mga mambabatas laban sa pinakamalawak na kompanya sa pamamahayag sa Pilipinas, lalong nalalagay sa panganib ang buhay ng higit 11,000 manggagawa nito at kanilang mga pamilya, at iba pang umaasa sa industriya, na daragdag lamang sa lumalaking bilang ng mga Pilipinong humaharap sa kawalan ng trabaho at kahirapan dulot ng mga kakulangan sa pagtugon sa pandemya ng COVID-19.
Mawawalan din ng oportunidad ang ilang mga komunidad sa kanayunan na makakuha ng balita at impormasyong mahalaga para sa kanilang kalusugan, kabuhayan, at edukasyon sa gitna ng krisis na ito. Kaugnay nito, dahil mawawala sa pampublikong ere ang isang pangunahing media outfit, kinababahala rin namin ang maaaring hindi maiuulat at maibabahagi sa publiko na mga pang-aabuso at karahasan bilang resulta ng mga kuwestiyonableng probisyon ng Anti-Terrorism Act na pirmado na ngayon ni Ginoong Duterte.
Sa kabila ng daing ng nakararami para sa mas maigting na suporta sa sistemang pangkalusugan, pinansiyal na tulong, at pagkain sa panahon ng COVID-19, pinipilay ng desisyong ito ang tuloy-tuloy na pagpapaabot ng ABS-CBN ng pandagdag na serbisyo publiko sa bayan. Sumasalamin lamang ito sa malupit at makasariling desisyon ng Kongreso na kontra sa mandato nilang manindigan sa kapakanan ng mga taong kinakatawan nila.
Kinokondena namin ang kawalan ng malasakit ng administrasyong ito, ang hayagang pagsasantabi sa mahihirap, at pagsuko ng buhay ng maraming Pilipino alang-alang sa labis na kapangyarihan. Ito'y inyong pananagutan sa taumbayan.
Labis na pasakit ang desisyong ito sa mga Pilipino. Ngunit batid nang lubos ng Simbahan na tinatawag tayo ng ating Panginoon na magsama-sama sa oras na ginigipit tayo ng dilim at kasamaan. Ngayon, higit kailanman, tayo ay manalangin, manindigan, at kumilos bilang isang Simbahan at makisama’t makiisa nang tapat sa mga komunidad na tunay na biktima ng kabuktutang ito.
Comentários