Humaharap ngayon ang ating bansa at ang mundo sa banta ng novel coronavirus (COVID-19), na nagdala sa mamamayang Pilipino sa panganib. Tumugon ang pambansang pamahalaan sa pandemya o malawakang paglaganap ng sakit na ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng community quarantine (pagbabawal sa pagpasok-paglabas sa lugar na may pagputok ng sakit), paghahatid ng limitadong bilang ng testing kit, at ang pagpapakilos ng mga mapagkukunang-yaman upang magbigay ng ilang tulong, ngunit marami pa ring dapat gawin. Nananawagan kami sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan na magsama-sama at harapin ang mga oras na ito ng kagipitan nang sama-sama at may lakas ng loob at malasakit. Sadyang naging mahirap at nakalilito ang nakalipas na ilang araw, subalit hindi natin dapat kalimutang ang mas bulnerable ang higit na makararanas ng kagipitan sa paglampas sa krisis na ito at sila ang dapat maging sentro ng ating pagtugon sa pandemya.
Sa mga oras ng pagsubok na ito, nananawagan kami sa bawat isa tungo sa mas malalim at mas tapat na pakikiisa sa mga nasa paligid natin, lalo na sa lubos na nangangailangan.
Para sa pambansa at lokal na pamahalaan — nananawagan kami para sa ganap na kalinawan hinggil sa kapasidad ng ating sistema ng pampublikong kalusugan, paglalaan ng yaman, at mga estratehiyang isinasagawa upang matugunan ang pandemyang ito. Ang ganap na pagpapakita ng mga plano at pagiging malinaw ng mga umiiral na pamantayan upang tugunan ang pandemya ay obligasyon sa lahat ng mamamayang Pilipino. Nag-aalala kami sa maaaring maging epekto sa mamamayang Pilipino kung hindi maayos na mapangangasiwaan ang community quarantine at hinihiling naming manguna ang sikap at malasakit sa mga desisyong ginagawa rito. Ipanalangin natin ang tapat na pagkilala ng mga kahirapang hinaharap ng pamahalaan sa pagtugon nito upang ang pribadong sektor at mga organisasyong panlipunan ay makapagbigay ng kinakailangang suporta sa ating mga tagapagbigay ng serbisyo publiko bilang pakikiisa. Gayunman, hindi maaaring nakasalalay ang kaligtasan ng buhay ng mamamayang Pilipino sa kabutihang-loob ng iilan. Tungkulin ng pamahalaan ang magsagawa ng agaran at maaasahang aksiyon upang matiyak ang kalusugan, kaligtasan, at kalidad ng buhay ng lahat ng mamamayan nito, lalo na ang pinakamahihirap.
Ipanalangin natin ang kinakailangang suporta para sa ating mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, sa anyo ng mga kagamitan at mapagkukunang-yamang kailangan nila, tulad ng personal protective equipment (PPE), mga pandisimpekta, at pagkain, upang maisagawa ang mga medikal na gawaing inaasahan sa kanila. Ipanalangin nating maibigay ang malinaw, tiyak at agad na maipatutupad na mga patakaran at tulong pinansiyal sa mga manggagawang arawan, impormal, pantransportasyon, at kontraktuwal na direktang apektado ng community quarantine. Ipanalangin din natin ang aktibong pagpapaabot ng proteksiyon, tulong, at karapatan sa pagkain at gamot sa mga komunidad ng mga informal settler na walang kakayahang lumahok sa mungkahing social distancing o pagpapanatili ng distansiya sa isa’t isa. Ipanalangin nating mailaan ang mga mapagkukunang-yaman sa malawakang testing at pagdisimpekta upang matiyak nang mabuti ang lawak ng problemang hinaharap natin. Ipanalangin nating hindi maabuso at mabaluktot ang kapangyarihan sa panahong ito. Ipanalangin natin ang kababaang-loob at wastong pag-uugali mula sa ating mga opisyal, na hindi nila unahin ang kanilang sariling adyenda sa kanilang mga aksiyon, ngunit sa halip ay mabigyan nila ng priyoridad ang ikabubuti ng lahat. Ipanalangin natin ang pagkamalikhain, lakas ng loob, at patuloy na pagtataya ng mga empleyado ng ating pamahalaan sa pagresolba sa isyung ito sa gitna ng magulong sitwasyong kinalalagyan din nila sa loob ng burukrasya ng gobyerno.
Para sa ating militar at kapulisan — ipanalangin natin ang inyong kalusugan at kaligtasan sa patuloy na pagsunod ninyo sa mandato ng paglilingkod at pagprotekta sa mamamayang Pilipino, na nakapagdudulot din ng inyong pagkakalantad sa virus. Gayunman, ipanalangin din natin ang wasto at makataong implementasyon ng mandatong ito sa kabila ng kawalang-linaw: na walang mangyaring paglabag sa ilalim ng quarantine na ito, na walang pahintulutang abuso ng kapangyarihan, na ang mamamayang Pilipino at kanilang kaligtasan mula sa pandemyang ito ang una at tanging alalahanin sa panahong ito.
Para sa Simbahan — lalo na sa mga parokyang pinakamalalapit sa mahihirap at bulnerable — ipanalangin natin ang inyong gising at mapagbantay na mata sa mga nakapaligid sa atin. Ipanalangin natin na sa ating misyon ng kapayapaan at katarungan ay manatili tayong matatag laban sa anumang posibleng uri ng karahasang maaaring mangyari laban sa mamamayang Pilipino sa mga panahong ito. Mahirap isiping nakahiwalay ang ating mga sarili sa ating kapwa, lalo na para sa nananampalataya. Ipanalangin nating manatili tayong lahat na nakataya sa pinakamahihirap sa mahihirap: ang nakatatanda, mga komunidad ng maralitang tagalungsod, mga manggagawa, na matanggap nila ang tulong at ang pamayanang kinakailangan nila habang hinaharap natin ang pandemyang ito. Hinihingi sa atin ng magulong sitwasyong ito na magpakita ng patuloy na lakas ng loob at pagkamalikhain sa ating misyon ng katarungan at ipanalangin nating makagawa tayo ng mga kinakailangang tugon sa ating mga komunidad, na ginagabayan ng pagkiling sa mahihirap. Hinihiling naming isabuhay natin ang paanyaya ni Arsobispo Romulo Valles, Pangulo ng Kapulungan ng Mga Obispo sa Pilipinas, na “ito ay panahon ng kagipitan ngunit panahon din ng paglago sa tunay na pagiging disipulo habang sinisikap nating sundan ang Panginoon sa hindi makasariling pag-ibig at paglilingkod sa iba.”
Para sa mga lider at may-ari ng negosyo — ipanalangin natin ang malasakit at katarungan, na magkaroon ng mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkompromiso sa kalusugan ng inyong manggagawang nagpapanatili ng operasyon ninyo. Ipanalangin nating mabigyan ang inyong mga manggagawa at kanilang pamilya ng tunay at mahalagang pinansiyal na suporta sa mapaghamong panahong ito at na mangibabaw ang ating kalinga sa isa’t isa sa halip na kita. Di-karaniwan ang krisis na hinaharap natin ngayon at hindi ito mapagagaan ng mga tradisyonal na pamamaraan ng kompensasyon para sa mga pagliban at pagkakasakit na patuloy na magbibigay ng pasanin sa mga manggagawa pagkatapos ng krisis; ipanalangin natin ang inyong lakas ng loob upang magawa kung ano ang makatarungan at nagtataguyod ng pag-ibig sa mga oras na ito. Huwag nating samantalahin ang pampublikong krisis na ito para higit pang kasangkapanin ang mga nagpapatakbo ng ating lugar ng trabaho.
Para sa malulusog at may kakayahan — patuloy nating ipanalangin ang inyong kalusugan. Gayunman, ang ginagawa nating social distancing ay hindi dapat mangahulugan ng “paglayo” sa mga nangangailangan. Bagaman hindi tayo dapat umasa lamang sa kabutihang-loob upang tugunan ang mga batayang pangangailangan ng lahat ng tao, ipanalangin natin ang inyong suporta sa mga pagsisikap na pinangungunahan ng mamamayan upang makapagbigay ng kinakailangang tulong at kagamitan sa mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, na maaaring hindi agad maibigay ng pamahalaan. Ipanalangin natin ang ating pagsasama-sama sa pagbabantay, lalo na sa pagtiyak na hindi naisasantabi ang mga lubhang nagigipit at pinakabulnerable habang dumaranas ang bansa ng krisis. Ipanalangin nating ang ating tugon sa virus ay hindi isara ang ating mga sarili sa isa’t isa at protektahan lamang ang ating mga sarili, kundi humanap ng mga paraan kung saan maibabahagi ang pasanin ng pagharap sa pandemyang ito sa bawat isa. Ipanalangin natin na sa ating pagtanaw sa wakas ng pandemyang ito ay maigiit nating maging bahagi ng kinabukasang iyon ang ating mga pinakabulnerableng kababayan.
Hinihiling ng Simbahang Lingkod ng Bayan sa lahat na magsikap na malampasan ang pandemyang ito nang sama-sama: na ang tanging paraan sa pagkakaligtas at pagpapatuloy ng ating misyon na buoin ang bansa at mapalapit sa Kaharian ng Diyos ay ang gawin ito nang magkasama. Sa pisikal na pagdistansiya sa isa’t isa ngayon, sa susunod ay bubuo naman tayo ng mas magandang bukas para sa ating bansa nang sama-sama.
Sa ating paglampas sa pandemyang ito, nawa’y maging paalala ang mga buhay na nawala ng mga patakarang dapat baguhin, suportang kinakailangan sa mas ganap na pagpapaunlad ng ating pampublikong kalusugan, pagkain, at mga sistema ng transportasyon, mga kakulangang nagbibigay-daan para masamantala ang ating mga manggagawa, sa kabila ng panganib sa kanilang mga buhay. Ipanalangin nating malampasan nating lahat ang krisis na ito at makabangon mula rito nang may higit na pag-ibig at pagtataya sa misyon.
Nawa’y ang ating Panginoong Hesu Kristo, ang Mabuting Pastol, ay gabayan at ilakad tayo palabas sa madilim na lambak na ito. Patuloy kaming humihingi ng pagpapamagitan ng ating Ina at ng mga santo. Aming Ina, Kalusugan ng May Sakit, ipanalangin mo kami. San Roque, ipanalangin mo kami. San Luis Gonzaga, ipanalangin mo kami.
Comments